Mga mangingisdang pinerwisyo ng 'Vinta,' humingi ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 09:47 PM | Updated as of Jul 02 2019 12:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magdamag lumangoy ang mangingisdang si Roque Fabillar nang pataubin ng bagyong "Vinta" ang kaniyang bangka sa Balabac, Palawan.

Sisilong sana sila sa isang isla matapos makatanggap ng ulat sa radyo na may darating na bagyo pero hindi sila umabot. 

Kumapit si Fabillar sa isang bahagi ng nawasak na bangka hanggang sa mapadpad sa isla ng Melville.

"Sobrang takot, may buwaya pa naman doon," ani Fabillar. "Matakot ka man, wala ka magagawa."

Laking pasasalamat niya na nakaligtas siya at ang walo niyang kasama.

Ang mag-amang Pascual at Francisco Arrio, problemado kung saan kukuha ng kakainin.

Nasa laot sila noong kasagsagan ng bagyo kaya inabandona nila ang isa nilang bangka at nawasak naman ang isa.

Hindi pa nila alam kung paano papalitan ang ginamit na makina, na hiniram lang nila sa kanilang kapitan.

"Wala naman kaming ibang hanapbuhay na alam," ani Francisco. "Hiling namin mabigyan ng hanapbuhay."

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang Operation Tabang Casimanua para magpaabot ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyo. 

Pero mga food pack at hygiene kit pa lang ang naipapamahagi.

Ayon kay Gil Acosta, provincial information officer ng Palawan, hindi puwedeng ora-orada ang pamamahagi ng tulong.

"We have to finish iyong process ng assessment bago tayo makatulong sa ating mga kababayan," ani Acosta. 

Magtatalaga rin ang lokal na pamahalan ng Palawan ng mas maraming sasakyang pandagat para sa mas mabilisang pagtugon sa mga kalamidad.

Nagpasa na rin ng resolusyon para mag-request sa telecommunication companies sa Pilipinas na lagyan ng signal ang isla ng Mangsee, na isa sa mga nakatikim ng matinding pananalasa ng Vinta.

Itinuloy na rin ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang paghahanap para sa mga nawawala matapos maantala dahil sa bagyong "Agaton." 

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.