Lalaking nagpanggap na traffic enforcer para umano’y mangotong, timbog

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 05:35 AM

Arestado ang isang lalaki matapos magpanggap na traffic enforcer at kikilan umano ang isang truck driver sa UN Avenue, Maynila Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang nahuli na si Lito Tan na suot pa ang lumang uniporme ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Ayon sa biktima na si Marvin Ponteras, galing siya ng Cavite at papuntang Tarlac para mag-deliver ng order ng hardware nang parahin ang kaniyang sasakyan ng 5 lalaki sa madilim na bahagi ng UN Avenue pasado alas-3 ng madaling araw.

"Hinihingan ako ng P1,000. Sabi ko ano ang violation? Kinuha nila ang lisensya at OR-CR ko," aniya.

Napag-alaman ng awtoridad na dating miyembro ng MTPB si Tan.

"Sumabay lang ako. Hingi lang sana ako ng kaunting pabor. Nasa ospital ang asawa at anak ko. Sumama-sama lang ako sa kanila," depensa niya.

Payo naman ng MTPB na magpa-ticket ang motorista sakaling makaengkwentro ng ganitong modus.

"Huwag na maglagay-lagay. Wala rin mangyayari," pahayag ni Mark Urieta, team leader ng MTPB Anti Scalawag.

Pinaghahanap na ngayon ang apat na kasama ni Tan. Mahaharap naman siya sa kasong robbery extortion at usurpation of authority.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.