Bata, patay matapos mabundol ng SUV sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 04:19 AM | Updated as of Jan 04 2018 05:39 AM

Patay ang isang 12-anyos na lalaki matapos mabundol ng isang SUV sa Roxas Boulevard, Pasay City Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa isang testigo na si Mark Ordano, naglalaro umano ng habol-habulan ang biktima kasama ang apat na iba pa.

Nabundol ang bata ng isang itim na SUV nang tumawid siya mula sa northbound ng Roxas Boulevard papuntang southbound.

Hindi umano huminto ang SUV na minamaneho ng 17-anyos na lalaki, kuwento ng isa pang testigo na si Ariestedes Calaustro.

Sumurender naman ang binatilyong driver sa pulisya. Ayon sa kaniyang abogado, natakot lamang sila na baka kuyugin kaya hindi sila bumaba.

Depensa naman ng abogado na banayad lang ang takbo ng SUV.

Labis naman ang paghihinagpis ni Danilo Vargas, tatay ng biktima.

"Patawid lang siya sa daan tapos iyon nakita ko na. Sinabi na sa akin na patay na. May basag na iyong ulo," aniya. - ulat ni Jekki Pascual at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.