1 patay, 2 sugatan sa banggaan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 07:52 AM

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang dalawa niyang kasamahan matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang delivery truck sa Quezon City, Huwebes ng madaling araw.

Nakabulagta sa intersection ng Quezon Ave. at D. Tuazon St. ang tatlong lalaki na nakasakay sa isang motor nang madatnan ng ABS-CBN News. Tumilapon sila sa daan matapos ang salpukan.

Kuwento ng truck driver na si Lauro Padilla Jr., naka-green light sila sa D. Tuazon at tumatawid ng Quezon Ave. nang bigla na lang bumangga ang motorsiklo. Naka-red light umano ang Quezon Ave. kaya nagulat siya na mabilis ang takbo ng motorsiklo.

Base sa inisyal na impormasyon, lasing umano at walang helmet ang tatlo. 

Nakuha rin sa kanila ang dalawang ID ng pulis ngunit hindi pa kumpirmado kung miyembro sila ng pulisya.

May nakuha ring magazine ng baril at mga bala sa kanila, ayon kay traffic investigator Roy Torre. - ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.