Ina ng tripulante ng MV Starlite Atlantic, humihingi ng tulong kay Duterte

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2017 07:31 AM | Updated as of Jan 05 2017 09:24 AM

Umiiyak na humihingi ng tulong si Geraldine Sab kay Davao City Mayor Sara Duterte at kay Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik ang search and retrieval operation sa lumubog na MV Starlite Atlantic.

Lumubog ang barko noong Disyembre 26, 2016 sa Batangas City sa kasagsagan ng Bagyong Nina. Halos 20 tripulante ang nawawala pa rin.

Kabilang sa mga hinahanap pa ay ang 19-anyos na anak ni Sab na si Gerald Dennis na nagtatrabaho bilang engine cadet sa loob pa lang ng tatlong buwan.

Ayon kay Sab, gusto sana niyang mapadali ang paghahanap sa lumubog na barko at makita ang katawan ng anak para matahimik na rin ang kalooban nito

Sa social media account ng biktima nakapag-post pa ito ng kaniyang mga litrato bago lumubog ang barko.

Kabilang sa mga tripulante ng Starlite Atlantic na hindi pa rin nahahanap si Gerald Dennis Sab. Larawan mula sa kaniyang Facebook account.

Nanawagan rin ang mga magulang ng biktima na sana ma-imbestigahan kung bakit pinayagang lumayag ang barko kahit na may bagyo.