PatrolPH

Taxi, bumangga sa barrier sa EDSA

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2021 09:25 AM

Taxi, bumangga sa barrier sa EDSA 1
Bumangga ang isang taxi sa concrete barrier sa EDSA Ortigas sa Mandaluyong City. Jekki Pascual, ABS-CBN News

Wasak ang harapan ng isang taxi matapos bumangga sa mga concrete barrier sa EDSA southbound na sakop ng Mandaluyong City, madaling araw ng Linggo.

Kwento ng driver na 'di na nagpakilala, pag-akyat niya ng flyover, bigla na lang tumambad sa kanya ang nakatumbang barrier sa kalsada.

Iniwasan niya ito, pero bumangga naman siya sa ibang mga concrete barrier.

Sa lakas ng impact, ilang barriers ang nasira, at sira rin ang harapang bahagi ng taxi.

Hindi nasugatan ang driver at mabuti't wala siyang pasahero. 

Ayon sa driver, meron umanong naunang aksidente sa naturang lugar, pero hindi naalis ang ilang debris.

Nagdulot ng bahagyang trapik ang pagbangga ng taxi sa mga barrier. 

Palaging nagkakaroon ng aksidente sa naturang lugar nitong nakalipas na mga buwan. Noong isang linggo lang, may SUV rin na bumangga sa railing ng flyover sa parehong lugar. May ilang sasakyan na rin ang nabangga sa mga concrete barrier sa naturang flyover.

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.