Mga biyahero tuloy-tuloy ang dating sa PITX matapos ang holiday break

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2021 04:46 PM

Maagang nasa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang therapist na si Eva Sombreo, na galing Cavite para sa holidays. 

Naghintay siya roon ng bus pa-Vito Cruz dahil may pasok na siya sa trabaho ngayong Linggo.

"Minsan mahirap sumakay. Kagaya niyan, ang tagal ng sasakyan. Minsan isang oras ding hintay o 30 minutes," ani Sombreo.

Kahit marami na ang bumabalik ng Metro Manila matpaos mag-Pasko at mag-Bagong Taon sa mga probinsiya, maluwag pa rin sa PITX.

"Kahapon, ang daming tao, kaunti lang ang bus. Ngayon, maraming bus, konti lang ang tao... ang tao pabugso-bugso," ani Mario Ramirez, dispatcher ng JRMS Transport.

Mahigpit din ang terminal sa mga may kasamang bata o senior citizen, na dapat ay may dalang travel pass.

Kung wala, hindi sila pinapapasok ng terminal.

"Ang protocols, sinusunod talaga namin. Kaya ang mga bata, 'pag pumasok dito, 'di namin pinapasakay, pati mga may edad, kasi bawal po," ani Ramirez.

Mayroon ding mga nagbakasyon sa Metro Manila at pabalik ng mga probinsiya, tulad ni Sara Moralios, na nagtatrabaho bilang kasambahay sa Lipa City.

"Maraming uuwi rin ngayon kasi balik na naman trabaho," ani Moralios.

Sa mga terminal naman ng Ninoy Aquino International Airport, bagaman kakaunti, tuloy-tuloy pa rin ang dating ng mga pasahero.

Kasama rito ang mga galing sa mga bansang sakop ng travel restriction bunsod ng bagong COVID-19 variant.

Ayon sa Bureau of Immigration, kailangan pa ring sumailalim sa mandatory 14-day quarantine ng mga umuuwing Pinoy, kahit pa may dala silang negative swab test result o sila ay nabakunahan na sa ibang bansa.

Narito ang mga bansang sakop ng restriction:

  • United Kingdom
  • Australia
  • Canada
  • Denmark
  • France
  • Germany
  • Hong Kong
  • Iceland
  • Ireland
  • Israel
  • Italy
  • Japan
  • Lebanon
  • Singapore
  • South Africa
  • South Korea
  • Sweden
  • Spain
  • Switzerland
  • The Netherlands
  • United States

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.