COVID-19 cases sa Pilipinas umabot na sa 477,807

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2021 05:24 PM

Sumusunod sa health protocol ang ilang overseas Filipino worker sa NAIA Terminal 1 noong Okubre 28, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Nakapagtala ngayong Linggo ang Department of Health (DOH) ng 891 bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19, dahilan para umakyat sa 477,807 ang kabuuang bilang.

Sa ilalim ng lingguhang "Oplan Recovery," nakapagtala rin ang DOH ng 8,316 gumaling sa sakit para sa 448,258 recoveries.

Tumaas naman sa 9,244 ang death toll matapos maiulat ang 4 na pagkamatay dahil sa respiratory illness.

Dahil sa mga gumaling at namatay, nasa 20,292 ang active COVID-19 cases sa bansa, ayon sa DOH.

Ayon sa DOH, kaunti ang naiulat na kaso ngayong Linggo dahil sa mas mababang bilang ng mga pasyente sa COVID-19 laboratories noong Bagong Taon.

Patuloy na pinaalalahanan ng ahensiya ang publiko na maging maingat dahil posible pa ring tumaas ang bilang ng mga kaso sa mga darating na linggo.

Pinag-aaralan din daw ng DOH ang epekto ng holiday season sa pagkalat ng COVID-19.

Patuloy rin ang pagbabantay ng gobyerno laban sa bagong variant ng COVID-19, na unang naiulat sa United Kingdom.

Kamakailan, nagpatupad ang Pilipinas ng travel restriction sa ilang bansa na nakapagtala ng kaso ng bagong COVID-19 variant. 

Nasa 84 milyon na ang naitatalang COVID-19 cases sa buogn mundo, kung saan 1.8 milyon ang namatay, ayon sa Johns Hopkins Coronavirus Resource Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.