Sa gitna ng sandamakmak na aksidente: Eksperto nagpayo ukol sa safe driving

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 07:14 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nasa 30 tao kada araw ang namamatay sa buong bansa dahil sa mga banggaan sa daan, ayon sa Philippine Global Road Safety Partnership. 

Nangunguna sa mga dahilan ang "human error" kabilang ang pagmamaneho nang antok o lasing na nasa 75 porsiyento. Kaya naman, nagpayo ang pinuno ng grupo na si Alberto Suansing ukol sa ligtas na pagmamaneho. 

Una, hindi dapat nagte-tailgate o tumutok sa sasakyan sa harap. Sundin aniya ang "one vehicle distance" sa sinusundang sasakyan sa kada 10 kilometro kada oras na bilis. 

Ito ay para makaresponde agad sa gagawin ng nasa harap na sasakyan. 

Sundin din dapat ang speed limit sa mga kalsada, lalo't ito ang pinakatalamak na sanhi ng mga aksidente sa daan, anang eksperto. 

"Masyadong matulin ang pagpapatakbo pero hindi marunong mag-react kung saka-sakali confronted with situations," ani Suansing. 

Importante ring manatili sa tamang lane at ugaliing magdahan-dahan ng sasakyan habang papalapit ng intersection. 

Payo niya, obserbahan ang "right of way" sa pag-intersect. 

Bukod din sa maayos na kondisyon ng sasakyan, dapat siguruhing nasa tamang kondisyon ang mga katawan at isipan bago bumiyahe. 

Ayon pa kay Suansing, dapat pakiramdaman ang dinaraanang kalsada at ang kondisyon ng sasakyan, lalo na kung makitid ang kalsada at malapit ito sa isang bangin. 

"Nagmamaneho ka ng sasakyan. Pero hindi mo napakiramdaman na sasakyan mo ang may problema, may mechanical defect so human error pa rin 'yon." 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.