PatrolPH

Pagsulat ng taong '2020' sa mga dokumento dapat buo para iwas scam: DOJ

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 06:20 PM | Updated as of Jan 03 2020 07:53 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nakasanayan na ng maraming Pinoy ang pagso-shortcut sa pagsusulat ng petsa sa mga dokumento o sa tuwing may mahalagang papel na pinupunan ng detalye. 

Halimbawa, imbes na isulat nang buo ang petsang "Disyembre 31, 2019" ay isusulat itong "12-31-19."

Pero pagpatak ng 2020, may mga kumalat na mensahe na nagbabala na posibleng humantong sa scam kapag pinaikli ang "2020" sa "20."

Maaari kasi itong dugtungan para madagdagan o mabawasan ang taon. 

Kaya paalala ni Justice Undersecretary Markk Perete, bagama't hindi isinasaad sa batas ang tamang pagsusulat ng petsa, mabuti na ang nakasisiguro.

"Marami kasing puwedeng gawin if nag-shortcut ka sa paglalagay ng date sa isang dokumento. Puwedeng magdagdag ng isang number. For example for '2020,' kapag nilagay mo lang na '20' puwede siyang gawing 2019 or pababa or pwede ding pataas '2021' onward," babala ni Perete.

Kapag naman hindi nag-ingat sa pagsusulat ng petsa sa deed of sale sa bentahan ng mga ari-arian, maaaring matakasan ang pagbabayad ng tamang buwis o capital gains tax. 

Giit ng Department of Justice, mahalaga din ang petsa sa pagsasampa ng kaso lalo't detalye ito sa pag-aakusa ng krimen.


—Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.