Car wash caretaker, patay matapos hampasin ng bato habang tulog

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 11:25 AM | Updated as of Jan 03 2020 12:15 PM

Sa kubong katabi ng binabantayang car wash pinatay ang biktima. Ayon sa pulisya, hinampas ng bato ang biktima habang tulog na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay. Yen Mangompit, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY – Patay na nang matagpuan ng mga residente ang isang lalaki sa loob ng tinulugan nitong kubo sa Purok 8, Barangay Katangawan, Biyernes ng umaga.

Duguan ang biktimang kinilalang si Rizalito Arcania, 22-anyos, nagtatrabaho bilang caretaker ng katabing car wash.

Kuwento ng may-ari ng car wash na si Jeck Selidio, iniwan niyang nag-iinuman Huwebes ng gabi si Arcania at isang katrabaho nito.

Nabigla na lang si Selidio nang mabalitaang patay na ito.

Sinubukang hanapin ng awtoridad ang nakasama sa inuman ng biktima sa tinutuluyan nito pero maaga umano itong umalis ng bahay, ayon sa mga kaanak.

Sa imbestigasyon ng pulisya, tulog ang biktima nang hampasin ito ng bato sa ulo na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Patuloy na pinaghahanap ngayon ng awtoridad ang kasamahan ng biktima na itinuturing nilang person of interest sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.