1 patay sa pananaksak ng dating pastor sa mag-ama sa Davao

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 05:45 PM

Pinatay ng dating pastor na ito na si Erwin Capul ang ama ng dati niyang nakarelasyon sa Davao City.]


DAVAO CITY - Patay ang isang ama habang sugatan ang anak niya matapos silang pagsasaksakin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay 76-A sa lungsod na ito Biyernes ng umaga.

Naiulat na si Trinidad Barriga, 70, at ang kaniyang anak na si "Mel" ay nasa loob ng kanilang bahay sa Kabacan, Ecoland nang pasukin sila ng suspek na si Erwin Capul, karelasyon ng babaeng biktima. Matagal na umanong hindi nagpakita sa suspek ang biktima.

Ayon sa isang kapitbahay, nitong Huwebes pa nag-aantay si Capul para makita si Mel.

"Kahapon, tatlong beses siyang pumunta rito. Bago ko lang siya nakikita rito. Hindi nga kami nagtitiwala kasi iba ang kaniyang galaw. Pumapalayo ako. Iba ang kaniyang tingin, at sumisilip sa loob ng bahay," aniya.

Nasaksak ni Capul si Barriga sa noo at dibdib, na ikinamatay nito. Nasaksak din si Mel pero naisugod naman ito sa ospital.

Ayon kay Capul, na nagpakilalang dating pastor, nagkaatraso sila ni Barriga kaya niya ito napatay.

"Ang ikinagalit ng ama nang sabihan ko siya na, 'Ang anak mo, nakikipagtalik na kami. Magkarelasyon kami.' Nagselos siya, kaya pinagpapalo ako," aniya.

Kinasuhan na ng frustrated murder at murder si Capul.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.