1 patay, higit 15 sugatan sa banggaan sa Sorsogon City

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2020 08:57 PM | Updated as of Jan 03 2020 10:25 PM

Kuha ng Bicol PNP

Isa ang kumpirmadong patay at marami ang sugatan sa banggaan ng isang bus at pampasaherong jeep sa Barangay Bulabog, Sorsogon City Biyernes ng hapon.

Ayon kay Police Maj. Renato Ibarondo, deputy chief ng Sorsogon City Police, binangga ng bus ang jeep na magbababa sana ng pasahero.

Sa imbestigasyon, nakikipaghabulan umano ang driver ng bus sa dalawa pang bus, na ang isa sa mga ito ay kasama ng driver.

Agad namang dinala sa ospital ang mga nasugatang pasahero ng jeep. Labing-walo ang sakay ng jeep at 17 sa mga ito ang sugatan, habang isang lalaking pasahero ang nasawi.

Sugatan din ang driver ng jeep.

Nagtamo rin ng minor injury ang dalawang sakay ng bus.

Ayon kay Ibarondo, mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries ang driver ng bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.