PatrolPH

Truck na may kargang bigas, naaksidente

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 10:59 AM

Truck na may kargang bigas, naaksidente 1
Maghahatid sana ng mga sako ng bigas para sa nasalanta ng bagyong Usman ang truck nang maaksidente ito sa Tuba, Benguet. Larawan mula kay Leo Mercado

BAGUIO CITY – Nagkalat ang mga butil ng bigas sa Marcos Highway sa kahabaan ng Badiwan, Tuba, Benguet matapos na maaksidente ang sasakyang may kargang sako-sakong donasyon para sa mga nasalanta ng bagyong Usman, Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa pulisya, pababa ng kalsada ang isang Isuzu truck nang mawawalan ng preno ang sasakyan. Nabangga niya ang isang nakasalubong na sasakyan at isa pang nakaparadang Toyota Innova bago nagpagulong-gulong at tuluyang mapunta sa kanal.

“Yan po ay talagang accident area, kailangan po kondisyon yung sasakyan at least pag nagbyahe tayo dito kondisyon at maiwasan yung disgrasya,” sabi ni Chief Inspector James Acod. 

Basag ang harapan ng truck habang wasak din ang dalawang sasakyang nabangga nito. Agad na itinakbo ang driver ng truck at mga pasahero ng sasakyang kaniyang nabangga sa ospital.

Mula sa 247 noong 2017, umabot naman sa 305 ang bilang ng mga aksidente sa kalsada noong 2018 kung saan 198 sa mga ito ay nangyari sa Marcos Highway. Nasa 11 naman ang naiulat na nasawi sa mga aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.