Lalaki, patay nang masaksak ng kainuman sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 01:10 PM

Naghamon umano ng suntukan ang biktima at nagdilim ang paningin niya kaya nasaksak ang kainuman. Larawan mula kay Leo Mercado

BAGUIO CITY – Patay ang isang lalaki matapos na saksakin ng kaniyang kainuman noong Bagong Taon sa lungsod na ito.

Miyerkoles nang mag-ikot ang mga kaibigan ni June Alpuerto, 32-anyos sa Barangay Saint Joseph para makalikom ng pera para maiuwi ang kaniyang bangkay sa La Union.

“Ang ganda ng kuwentuhan nila dito, nagngingiti-ngitian pa sila. Ngayon umuwi yung isa, bumalik…ayun na may nangyari na,” kuwento ni Boddy Singsing, kabarkada ng biktima.

Itatakbo pa raw sana nila ang kaibigan sa ospital pero binantayan daw ito ng suspek para matiyak na hindi na makabangon pa ang biktima. Nagbanta rin ito na idadamay ang sinumang tumulong.

Agad ding naaresto ang suspek na nakiusap na ‘wag banggitin ang kaniyang pangalan.

Ayon sa suspek, hinamon umano siya ng biktima ng suntukan.

“Biglang parang nawala yung isip ko tapos hindi ko na namalayan na ganun na pala, na nasaksak ko na,” sabi ng suspek na nasa kustodiya na ng Baguio City Jail.

Nasampahan na ang suspek ng kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.