PatrolPH

Daraga mayor, utak sa Batocabe slay: PNP

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 01:53 PM | Updated as of Jan 03 2019 08:26 PM

Pinangalanan na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde si Daraga Mayor Carlwyn Baldo bilang utak sa pagpatay kay AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe.

Nitong Huwebes, sinabi ni Albayalde na pitong tao ang kinontrata ni Baldo para gawin ang pagpatay sa halagang P5 milyon.

"This case, we consider it solved but not closed because some of the suspects are not yet arrested," ayon sa PNP chief.

Watch more on iWantTFC

Kinilala ang mga dawit sa pagpatay na sina Baldo, gunmen na sina Henry Yuson at Rolando Arimado; dalawang drayber na sina Emmanuel Rosello at Jaywin Babor; at tatlo pang kasabwat na sina Christopher Naval, Emmanuel Judavar, at Danilo Muella.

Nagsisilbi umanong private armed group ni Baldo ang mga suspek.

"Itong mga ito are all under the payroll of the mayor as personal staff using fictitious names, one is rebel returnee and all the rest are CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) and ex-military personnel," pagsisiwalat ni Albayalde.

Kasong double murder ang isasampa laban kay Baldo at mga tauhan.

Pinaslang si Batocabe, 52, noong Disyembre 22 habang namamahagi ng mga pamasko sa Daraga, Albay. Patay din ang kaniyang police escort na si SPO2 Orlando Diaz.

Si Batocabe ay nasa huling termino na bilang kongresista at kumakandidatong alkalde ng Daraga kung saan makakabangga niya sana si Baldo sa eleksiyon sa Mayo.

PINAGPLANUHAN

Lumalabas na politika ang motibo ni Baldo upang ipapatay si Batocabe, ani Albayalde.

Sa katunayan, base sa salaysay nina Naval at Rosello, Agosto 2018 pa lang ay inutusan na sila ni Baldo na patayin ang mambabatas matapos itong maghayag na intensiyong tumakbo sa pagkaalkalde.

Nauna nang itinanggi Baldo ang mga paratang laban sa kaniya.

Umabot sa P50 milyon ang alok na pabuya sa makapagtuturo sa mga pasimuno ng pagpatay, kabilang na ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa PNP, pag-aaralan pa nila kung kanino mapupunta ang P50 milyong pabuyang inalok.

Nagpasalamat naman ang pamilya Batocabe sa mga pulis.

"The holidays [have] been very hard for us and the town of Daraga... These fruits of hard labor of our investigative bodies are very much welcome and we have nothing to say but thank you," ani Justin Batocabe, anak ng biktima.

Nagpasya ang pamilya na itutuloy nila ang kampanya sa pagkaalkalde ng Daraga ngunit wala pang desisyon kung sino ang hahalili sa napaslang na padre de pamilya.

—May ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.