'Basag-kotse' sa UP campus timbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 02:53 PM

Timbog ang isa umanong "basag-kotse" sa University of the Philippines (UP) campus sa Diliman noong Miyerkoles matapos mambiktima ng isang doktor at misis nito na noo'y nagja-jogging sa lugar.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Superintendent Joselito Esquivel, nahuli ng mga UP security personnel ang suspek na si Roel Calso, 30, na agad dinala sa Anonas police station.

Binasag umano ng suspek ang kanang bahagi ng salamin ng kotse bandang alas-11 ng umaga ng Miyerkoles, saka tinangay ang bag sa loob na naglalaman ng P12,000 cash, cellphone na may halagang P55,000, mga ID, stethoscope, credit cards, at iba pa.

Saksi sa pagnanakaw ang guard on duty na si Romualdo Torculas na agad hinabol ang suspek na kalauna'y nahuli rin.

Pinayuhan naman ni Esquivel ang mga motoristang huwag maglagay ng mahahalagang gamit sa loob ng sasakyan.

"Hangga’t maaari kung hindi maiiwasang mag-iwan ng mga gamit sa loob ng sasakyan, siguraduhing nakatago ito o kaya ay kumuha ng pantakip tulad ng damit o sun visors upang hindi ito maging takaw-pansin sa mga magnanakaw," ani Esquivel.

Dagdag niya, noong Miyerkoles din ay dalawa ang napatay na umano'y basag-kotse matapos makaengkuwentro ang mga pulis sa Barangay Fairview, Quezon City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.