Ama patay matapos hampasin ng tubo ng anak sa Bagong Taon

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 02:26 AM | Updated as of Jan 03 2019 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Patay ang isang ama matapos hampasin ng tubo ng kaniyang anak sa Camarin, Caloocan City nitong Bagong Taon.

Kinilala ang biktima na si Lito Magbanua, 54 anyos, na dating barangay tanod.

Nahuli naman ng mga awtoridad ang suspek na si Rhenzie, 27 anyos, na umano'y lulong sa droga, ayon sa mga kapatid.

Kuwento ni Rona, anak ng biktima at kapatid ng suspek, lasing na umuwi si Rhenzie alas-7:30 ng gabi nitong Enero 1.

Pagpasok sa bahay, itinulak ni Rhenzie ang pinto at saka tinadyakan ang amang si Lito.

Binugbog ni Rhenzie si Lito at saka hinampas gamit ang tubo mula sa estante. Dating na-stroke ang biktima kaya hindi nakalaban.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinaktan din ni Rhenzie ang kaniyang mga kapatid. Natulog lang ito pagkatapos ng insidente.

Isinugod pa sa ospital si Lito pero idineklarang dead on arrival. Ipinahuli naman ng magkakapatid si Rhenzie.

Ayon sa magkakapatid, lulong sa ipinagbabawal na gamot si Rhenzie at madalas na umuuwing lasing. Hinihipuan din daw sila ng suspek.

Si Rhenzie rin ang nakapatay sa kanilang nanay noong Nobyembre 2017. Pinalo ng takip ng kaldero ng suspek ang kanilang ina kaya namatay.

Pero bago bawian ng buhay, bilin ng kanilang ina na huwag ipaaresto ang panganay na anak, dagdag ng magkakapatid.

Nakakulong ngayon sa North Caloocan Police Station ang suspek na kinasuhan na ng parricide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.