10 kabataan dinampot matapos 'manggulo' sa new year concert

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 03:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natigil ang concert ng isang banda sa Bago City, Negros Occidental noong Bagong Taon nang magkagulo umano ang ilang kabataan sa lugar. 

Sa isang cellphone video, makikitang nambabato ng bote at nanghahagis ng pillbox ang mga kabataan sa Bantayan Park. 

Ayon kay Bago City police chief Senior Inspector Reynaldo Severino, kaaalis lamang ng kanilang roving team sa lugar nang maganap ang insidente. 

Mas tinutukan kasi umano nila ang programang "Lights of Bago" na isang pagdiriwang sa ibang lugar na may 30,000 bisita. 

Agad naman silang rumesponde at dinampot ang 10 kabataang sangkot sa insidente. Pinatawag din ang kanilang mga magulang. 

Ayon kay Severino, may alitan ng magkakaibang grupo ang ugat ng bangayan.

Walang nasaktan sa insidente, pero nanawagan ang mga awtoridad sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at kilalanin ang kanilang mga kaibigan. 

-- Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.