Prusisyon ng Nazareno sa Enero 9, magkakaroon ng 12 istasyon

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 10:03 PM | Updated as of Jan 04 2018 05:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ng pamunuan ng Quiapo Church ang kanilang kahandaan sa pagdagsa ng milyon-milyong deboto sa Maynila para sa taunang pista ng Poong Nazareno, kasabay ng bahagyang pagbabago sa ruta at pagdiriwang ng prusisyon.

"We are 100 percent ready," ani Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church.

Magkakaroon ng 12 prayer station na itatayo sa iba-ibang bahagi ng ruta kaya inaasahang mas mataimtim ang Traslacion, na idaraos sa Enero 9.

Sa mga istasyong ito magdadasal ang mga deboto habang papalapit ang andas, bebendisyonan ng insenso at agua bendita, at kakanta sa pagpatuloy ng paglalakbay ng Nazareno patungong Quiapo.

Mayroon ding kaunting pagbabago sa rutang dadaanan ng andas.

Magco-counterflow ang andas pagdating sa Padre Burgos patungong Jones Bridge upang maiwasan ang umano'y delikadong Lagusnilad.

"Para hindi na tatawid sa Lagusnilad," ani Badong. "Dahil ang Lagusnilad, sa ating pag-aaral, medyo doble ang threat na ating kino-consider doon."

Ayon sa Manila Police District (MPD), inaasahang bababa ang bilang ng mga taong makikipagdiwang sa pista ng Nazareno.

"Last year the estimate crowd for the five-day celebration was around 18 million," ani Superintendent Lucille Facho ng MPD. "Ito po ine-expect na mag-i-increase siya ng 5 percent."

Magpapakalat ng 5,000 pulis ang MPD para tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga makikiisa sa Traslacion.

Mahigpit na ipagbabawal ang paggamit ng drone at pagdala ng itim na plastic bag. Magkakaroon din ng signal jammer.

Noong nakaraang taon, 21 oras ang tiniis ng mga deboto bago maiuwi ang andas sa Quiapo Church.

Nilinaw ng mga tagapangasiwa ng prusisyon na hindi nila layuning pabilisin ang takbo ng prusisyon pero maaaring mas maaga pa rin itong makabalik ngayong taon.

"Sana mas maikli sa last year," ani Badong. "Sa amin walang problema kung ito'y tumagal as long as walang casualty at disgrasya ang mangyari."

Sa Enero 4 at 5 sisimulan ang huling paghahanda para sa pista.

Narito ang iskedyul ng mga aktibidad kaugnay ng Traslacion 2018:

  • • Enero 7, 2 p.m. - Procession of replicas
  • Enero 8, 6 a.m. - Pahalik
  • Enero 8, 5 p.m. - Start of vigil
  • Enero 9, 12 m.n. - Holy Mass
  • Enero 9, 3 a.m. - Start of hourly mass in Quiapo Church
  • Enero 9, 4 a.m. - Morning prayer
  • Enero 9, 4:30 a.m. hanggang 5 a.m. - Start of Traslacion

Sinuspinde na rin ng lokal na pamahalaan ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at trabaho sa gobyerno sa Enero 9 para bigyang daan ang pagdiriwang.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.