Opisinang tumutulong sa mga nasalanta sa Capiz nilooban

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 03:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sapul ng CCTV ang nakawan sa loob ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Capiz na itinaon pa sa kasagsagan ng ulan at baha sa probinsiya.

Pasado ala-una ng madaling araw nitong Martes nang looban ang opisina. 

Dahan-dahang binuksan ng kawatan ang mga drawer habang nagmamasid sa natutulog na tauhan ng PDRRMO. 

Maya-maya, nilapitan niya ang natutulog na lalaki, inangat ang kumot sa tabi, at kinuha ang bag saka dali-daling lumabas.

"Sana ibalik niya 'yung cellphone ko dahil blessing 'yun sa akin. Siyempre pinaghirapan at pinagtrabahuhan ko nang husto ang pambili nu'n. Sana, kung puwede, ibalik mo na lang," ayon sa ninakawang si Paul Mark Ortega, staff ng PDRRMO-Capiz.

Ikinalungkot naman ni PDRRMO chief Speed Pelaez ang panloloob sa kanilang tanggapan na itinaon pa sa kasagsagan ng malakas na ulan.

Ang ilan sa kanila, gaya ni Ortega, sa opisina na natulog matapos ang buong araw na pag-iikot at pag-monitor sa probinsiya. 
    
"Masama ang loob ko. Ginagawa naman namin ang lahat para makatulong sa ating mga kababayan. Pero meron pa ring ganiyang tao na nagte-take advantage pa," ani Pelaez.

Agad nilang ini-report ang insidente sa pulisya at isinapubliko ang kuha ng CCTV para mabilis na makilala ang pumasok na kawatan.
    
--Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.