Mga gulayan sa N. Vizcaya, bawal palawakin dahil 'takaw-landslide'

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 03:25 PM

Pinagbawalan ng pamahalaang lokal ang mga magsasaka sa Kayapa, Nueva Vizcaya na palawakin pa ang kanilang mga lupang pinagtataniman dahil sa umano'y "pinsalang" dulot nito sa kapaligiran.

Ayon kay Mayor Paul Ligmayo, mapanganib ang pagputol ng mga magsasaka ng mga puno sa bundok para mapalawak ang kanilang sakahan dahil nawawalan ng makakapitan ang lupa at maaari itong gumuho.

Sa tala, lumawak na sa higit 3,000 ektarya ang gulayan noong 2011 mula sa halos 2,000 ektarya lang noong 2003.

Sa datos naman ng Mines and Geosciences Bureau, nasa higit 70,000 ektarya ng bayan o 96 porsiyentong land area ang may malaking posibilidad na tamaan ng landslide o pagguho ng lupa.

Nakahanap naman ng alternatibo ang magsasakang si Pablo Bongtiwan.

Sa halip na ang dating sakahan sa bundok, ang gulayan ng isang pampublikong eskuwelahan na lang ang kaniyang pinalalago.

Pangunahing produkto ng mga residente ng Kapaya ang highland vegetables tulad ng cauliflower, carrots, broccoli, at sayote, na ipinamamahagi sa buong rehiyon ng Cagayan. 

Kasalukuyan ding ginagawa ang concrete road mula sa sakahan papunta sa mga malalayong barangay, na magbibigay ng mas malawak na oportunidad para sa mga magsasaka.

Paalala ng lokal na pamahalaan ay panatilihing balanse ang pagkalinga sa kalikasan at ang pagtaguyod ng kabuhayan.

-- Ulat ni Annie Pasion, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.