Lalaki patay matapos makuryente sa Pangasinan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 08:32 PM

Ang tore ng bakal kung saan nakuryente ang isang 24-anyos na lalaki sa Pozorrubio, Pangasinan nitong Bagong Taon.

Patay ang isang lalaki matapos makuryente habang nagkakasiyahan sa Pozorrubio, Pangasinan nitong Bagong Taon. 

Aksidenteng naidikit ni Arnold Mejia, 24, ang kanyang leeg sa tower na bakal na gamit ng inarkila nilang sound system habang kasali siya sa larong "Trip To Jerusalem."

“Sinabi po nung operator na huwag kayong pumunta sa itaas kasi may ground yan,” ani Consolacion Alvendia, tiyahin ng biktima.

“Nung nag-stop na po 'yung sound, dalawa kaming uupo sa kaniya, eh 'yun na po ang nangyari sa kaniya, dumikit na,” ani Princess Alvendia, pinsan ng biktima.

Nagawa pang maitakbo sa ospital ang biktima pero idineklarang wala na itong buhay.

Hindi na magdedemanda ang pamilya ng biktima sa operator ng sound system dahil nauwi sa areglo ang pangyayari.

“Sabi niya sagutin ang lahat niya sa burol, 'yun lang sir kasi wala kaming pera,” ani Ronald Mejia, ama ng biktima.

Ibayong pag-iingat naman ang paalala ng awtoridad sa gitna ng mga kasiyahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.