Halalan sa San Juan: Estrada vs. Ejercito vs. Zamora?

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 10:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kapapasok pa lang ng bagong taon pero maugong na ang usapang pulitika para sa 2019 senatorial election.

Inaasahan kasi ang muling pagtakbo ni dating Senador Jinggoy Estrada ngayong laya na siya matapos magpiyansa sa kasong pandarambong.

Pero sasabak din para sa reelection ang kapatid at karibal niyang si Senador JV Ejercito na aminadong hindi magiging maganda sa paningin ng tao ang kapwa pagpasok ng magkapatid sa iisang kapulungan.

Para kay Ejercito, malaking bagay ang magiging desisyon ng ama nilang dating pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada.

"I don't know how it will be resolved but you know, I'm hoping that, these are challenges but I will still stick to my principle that only one has to run," sabi ni Ejercito sa panayam ng programang "Early Edition" ng ANC. 

Tumangging magbigay ng pahayag kaugnay nito si Jinggoy.

Para kay Ejercito, mahalagang magkaisa ang pamilya lalo't nakaamba ngayon ang recall election laban sa ina ni Ejercito na si San Juan Mayor Guia Gomez.

Inaasahang lalabanan si Gomez ng dating sanggang-dikit at kalauna'y naging katunggali sa halalan noong 2016 na si dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora.

Kumbinsido naman si Zamora na babalik sa pagka-mayor si Ejercito sa susunod na taon dahil aniya, hindi papayag ang senador na mapunta sa mga Zamora o kaya'y sa pamilya ni Jinggoy ang liderato sa San Juan.

Kasalukuyang San Juan vice mayor si Janella Estrada na anak ni Jinggoy.

Huling termino naman ni Gomez bilang mayor.

"If you were in the position of Senator JV, would you risk losing San Juan because you did not run as mayor? And at the same time lose as a senator? You will now have nothing," ani Zamora sa panayam ng Early Edition.

Pero iginiit ni Ejercito na hindi kapit-tuko sa puwesto ang kaniyang pamilya.

Wala pang panig sa isyu ang mayor ng Maynila.

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.