Ginang, sugatan nang tamaan ng bala sa mukha sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 04:59 PM

Sugatan ang isang 30 anyos na ginang sa Mandurriao, Iloilo City matapos tamaan ng ligaw na bala sa mukha noong Martes ng gabi.

Tinamaan ang kaliwang pisngi ng biktimang si Mae Arne Meniel habang nasa loob siya ng banyo ng kanilang bahay sa may Barangay Calajunan, Mandurriao. 

Agad itinakbo ang biktima sa ospital pero nakauwi rin ito nitong Miyerkoles ng umaga.

Kuwento ng biktima, nakarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril galing sa sapa malapit sa kanilang bahay bago siya tamaan.

Nahanap din sa pinangyarihan ng krimen ang mga punglo ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril. 

May tama rin ng bala ang mga pader ng bahay ng biktima, maging ang mga kawayang nakapaligid dito.

Hindi pa rin natutukoy ang motibo ng pamamaril habang puspusan ang pagtugis ng pulisya sa mga salarin.

-- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.