Barangay tanod sa Davao arestado sa pagdadala ng baril

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 09:11 PM

DAVAO CITY - Arestado ang isang barangay tanod dito sa siyudad matapos makitang may dala siyang baril nitong Bagong Taon.

Hinuli ng pulisya si Marlon Alapa Angnie, isang tanod sa Barangay 2-A, matapos isumbong ng kaniyang nakaalitan sa Legaspi Street na may dala umano siyang baril.

Agad kinumpiska ang .45 kalibreng baril na dala ni Angnie.

Katuwiran ng suspek, nagdadala siya ng baril dahil madalas ang riot sa kanilang barangay at armado din ang mga nasasangkot sa mga riot.

Walang awtoridad magdala ng armas ang mga barangay tanod ayon sa local government code.

Si Angnie ang unang naarestong barangay tanod sa Davao City matapos ipag-utos ni Philippine National Police Chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa na arestuhin ang mga tanod na magdadala ng baril.

Ito'y matapos masangkot sa pamamaril ang mga tanod sa Mandaluyong City na ikinamatay ng 2 katao nong isang linggo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.