Babae, nawalan ng P41,000, na-hack ang FB, 'palit-SIM' sinisi

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 10:39 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nawalan ng P41,000 sa kaniyang payroll account at na-hack din umano ang Facebook account ng isang babae matapos kumuha ng replacement SIM para cellphone niya ang isang lalaking nagpanggap na boyfriend niya. 

Kuwento ni alyas "Chia," nakatanggap siya ng text at tawag noong Disyembre 26 na nagkamali ng pagpapasa ng prepaid load ang tumawag at naipadala kay Chia ang P30 na load. 

Kinabukasan, nakisuyo ang tumawag na ibalik sana ang load at may mga ipinagawa ito kay Chia sa kaniyang cellphone para mabawi ang naipasang load.

Inutusan din siyang ilagay sa "flight mode" ang kaniyang cellphone.

Pero kahit hindi na naka-flight mode, hindi pa rin bumalik ang network signal ni Chia.

Nang tumawag si Chia sa Globe customer service, nagulat siya nang malamang may nagpanggap na kaniyang boyfriend at humingi ng “SIM replacement” dahil nawala raw ang cellphone ni Chia. 

Naibigay naman ang SIM sa suspek kahit “affidavit of loss” lang ang kaniyang hawak.

Kinahapunan, nanlumo si Chia nang madiskubre niyang nasimot ang kanyang payroll account sa Metrobank na may lamang P41,000.
 
Pati ang kaniyang Facebook account ay na-hack at pinalitan ang kaniyang retrato at pangalan.

Masama ang loob ni Chia dahil hindi naging mahigpit ang proseso sa pagpapalit ng SIM niya at hindi rin muna umano nag-verify sa kaniya ang Globe. 

Ikinainis din niya na tila napakadali lang para sa suspek na magkaroon ng access sa perang pinaghirapan niya.

Nagreklamo na sa National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit si Chia.

Natukoy naman ng NBI ang lalaking kumuha ng SIM ni Chia sa pamamagitan ng mga dokumentong ibinigay nito sa Globe tulad ng ID at affidavit of loss.

Pinadalhan ng subpoena ang lalaki para magpaliwanag pero hindi siya sumipot. 

Pagpapaliwanagin din ng NBI ang Globe at Metrobank kung posible bang nagamit ang prepaid number ni Chia para makuha ang password sa kaniyang bank account. 

Iniimbestighan din ng NBI ang posibilidad na biktima ng “phishing” si Chia, o mga nagpapanggap na lehitimong website na ginagamit para kumuha ng mga personal na impormasyon tulad ng bank account number.     

Nakikipagtulungan naman ang Globe sa mga awtoridad sa imbestigasyon ng insidente.

Sinabi rin ng Globe na may mga panuntunan sila para tiyakin ang seguridad ng customers, gayunman nagbabala ring mababalewala ito kung nakompromiso na ang mahahalagang impormasyon ukol sa customer.

Hinihikayat din ng Globe ang customers na umiwas sa paglalabas ng mga personal na impormasyon sa kanilang social media accounts.

"Globe Telecom is working closely with the proper authorities, who are investigating this incident. Operationally, our Globe Stores have existing protocols for SIM replacement that are meant to protect our customers. However, if a customer’s identity has already been compromised, then those protocols will be negated. We encourage customers to refrain from disclosing vital personal information via social media and other online accounts to protect themselves from fraudulent online activities. In today’s digital age, netizens are responsible for their own online security and wellbeing," pahayag ng Globe.

Sinubukan ng News team na makuha ang panig ng Metrobank tungkol sa reklamo pero wala pa silang ibinibigay na pahayag. 

-- Ulat nina Niko Baua at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.