'Agaton' nag-iwan ng pinsala sa mga dinaanang probinsiya

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 10:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Higit 600 pamilya na naninirahan malapit sa dalampasigan sa Puerto Princesa, Palawan ang lumikas upang matiyak ang kaligtasan mula sa paghagupit ni bagyong "Agaton."

Ayon sa Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 607 pamilya ang naitalang lumikas mula sa coastal areas ng lungsod.

Sinuyod ng malalaking alon ang mga bahay, partikular sa Barangay Bagong Silang, Tagburos, at Bagong Sikat.

Kabilang sa mga lumikas ay si Carmelita Perez, na nawalan ng bahay at bangkang pangisda dahil sa bagyong "Vinta" noong nakaraang linggo.

Aniya, dagdag-perwisyo ang Agaton.

"Kaya lumikas kami kasi natakot kami baka ... madala pa kami," ani Perez.

Nitong Miyerkoles, matapos ang unos, bumungad sa mga residente ang naiwang pinsala.

Hindi bababa sa 500 pamilya ang nawalan ng bahay.

Walang kuryente sa ilang lugar.

Sa lakas ng hangin, humilera sa basketball court ang mga bangka.

Mahigit 1,500 ang kabuuang bilang ng mga lumikas sa buong Palawan.

Ipinagpapasalamat naman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na walang namatay sa hagupit ni Agaton. 

Tututukan naman ng PDRRMC ang relief operations sa bayan ng Balabac dahil sa tindi ng pinsalang inabot dito.

Inihahanda na rin ang relief goods na ibibiyahe sa mga isla, lalo na sa Mangsee Island.

Nitong Miyerkoles rin tuluyang lumabas si Agaton sa Philippine area of responsibility.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ibang lalawigan

Sari-saring kalamidad din ang tumama sa ilang lalawigan dahil sa Agaton.

Sa lalawigan naman ng Capiz, umabot sa higit 800 ang bilang ng mga lumikas mula sa 138 barangay na apektado sa pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Tatlong landslide din ang naitala sa Calatrava, Negros Occidental dahil sa bagyo.

Sa Albay, gumuho ang bahagi ng bundok sa bayan ng Manito dahil sa malakas na ulan. 

Baha rin ang ilang bahagi ng Tacloban City at relocation site sa Babatngon, Leyte. 

Sa Cebu, nagsibalikan na sa kani-kanilang bahay ang mga taga-Boljoon pero makapal na putik pa rin ang tumambad sa kanila.

Umapaw naman ang Lake Buhi sa Camarines Sur dahil sa malakas na ulan at may mga stranded dahil walang bangka.

Binaha rin ang Legazpi City dahil sa malakas na buhos ng ulan, dahilan para pasukin ng baha ang mga bahay at commercial establishments.

Gumuho rin ang bahagi ng burol sa Viga, Catanduanes.

Natabunan ang bahagi ng kalsada kaya nahirapan bumiyahe ang mga motorista.

-- Ulat nina Lynette Dela Cruz, Cherry Ann Camacho, at Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.