3-anyos na bata na kinidnap sa Las Piñas, naibalik na

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 04:13 PM | Updated as of Jan 03 2018 10:32 PM

LAS PIÑAS - Naibalik na sa kaniyang pamilya ang 3-anyos na bata na dinukot mula sa Barangay Ilaya bago ang Bagong Taon.

Matapos ang 4 na gabi ng paghahanap, kapiling na ni Daisy Lyn ang anak niyang nawala noong Disyembre 30.

Na-rescue ang bata ng mga pulis sa Bacoor, Cavite nang ituro nang 18-anyos na mandurukot kung saan niya iniwan ang bata.

Nakuha ang bata mula sa bahay ng 27-anyos na si Sergio Dacallos.

Sabi ni Dacallos, bastang iniwan lang ng suspek na si Giselle Omayan sa kanya ang bata at hindi na bumalik ulit.

Napag-alaman ng mga awtoridad na nakatira rin sa Las Piñas si Omayan ngunit ilang araw nang hindi umuuwi sa bahay nila sa Velasquez Compound.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Natunton ng mga pulis si Omayan matapos siyang makilala ng ilang mga taga-Cavite mula sa mga CCTV footage na ipinalabas sa telebisyon.

Inaalam pa ng mga pulis kung ano ang motibo ni Omayan sa pagdukot sa bata.

Posibleng kasuhan sina Omayan at Dacallos ng abduction of minor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.