PatrolPH

Ilang lugar sa Visayas at Mindanao, binaha dahil sa walang tigil na ulan

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2022 02:44 PM

Larawan mula sa Surigao City PIO.
Larawan mula sa Surigao City PIO.

Binaha ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa walang tigil na malakas na ulan simula pa nitong Sabado, araw ng Bagong Taon.

Nagsagawa ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Surigao City sa mga landslide prone areas ngayong Linggo dahil sa walang tigil na ulan.

Ayon sa Surigao City public information office, inilikas ang mga residente na nasa Navalca, Barangay San Juan, at Silay Hills sa Barangay Taft dahil sa pagbaha.

Ang Surigao City at ibang bahagi ng Surigao del Norte ay naapektuhan nang manalasa ang Bagyong Odette noong Disyembre 16.

Larawan mula kay Lheyn Ann Morales.
Larawan mula kay Lheyn Ann Morales.

Binaha rin ang ilang parte ng Cantilan sa Surigao del Sur ngayong Linggo dahil sa walang tigil na ulan.

Ayon kay Lheyn Ann Morales, pumasok na sa unang palapag ng kanilang bahay ang tubig kaya nabasa ang kanilang mga gamit. 

Agad na-rescue ang mga residente na nahirapang lumabas ng kanilang bahay dahil sa baha.

Larawan mula sa Libagon BFP.
Larawan mula sa Libagon BFP.

Binaha rin ang Barangay Talisay sa bayan ng Libagon, Southern Leyte dahil sa walang tigil na pag-ulan ngayong Linggo.

Ayon sa mga rescuer, umabot hanggang dibdib ang taas ng tubig.

Isang 53 anyos na lalaki ang na-rescue ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection Libagon. Na-trap sa kanilang bahay ang lalaki nang tumaas ang tubig.

Bago nangyari ang baha, may mga residenteng nakalikas na sa kani-kanilang bahay.

Ayon sa PAGASA, ang shear line o ang pagsalubong ng northeast wind at easterlies ang dahilan ng pag-ulan na naka-apekto sa Visayas and Mindanao.

— Ulat nina Lorilly Charmane Awitan at Ranulfo Docdocan

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.