PatrolPH

Ursula survivors sa Balasan, Iloilo hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 06:09 PM | Updated as of Jan 02 2020 07:27 PM

Watch more on iWantTFC

Noong kasagsagan ng bagyo, nalubog sa tubig-baha ang 23 barangay sa bayan ng Balasan, Iloilo matapos bumigaw ang bahagi ng Batwan Dam.

Posibleng hindi na raw nakayanan ang tubig mula sa bundok dahil luma na ang dam, ayon kay Balasan Mayor Manuel Ganzon.

Isa sa mga pinakamatinding naapektuhan ng flash flood ang Barangay Poblacion, kung saan daan-daang bahay ang tinangay ng baha at maraming ari-arian ang nasira.

May 600 pamilya ang nabigyan ng Lingkod Kapamilya ng food pack na may lamang bigas at mga de-lata sa Barangay Poblcacion.

Ayon sa residenteng si Argiel Bugarso, malaking bagay na para sa kanilang mga naperwisyo ng bagyo ang natanggap nilang tulong.

Nakaligtas ang pamilya ni Bugarso at mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagkapit sa puno ng mangga habang pilit na tinatangay ng malakas na baha.

Nangangailangan pa rin ang mga residente ng pagkain, tubig, at mga materyales sa pagpapatayo at pagsasaayos ng kanilang mga nasirang bahay.

Sa huling tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Balasan, higit 10,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo at baha.

May apat ding naitalang patay sa bayan.

-- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.