Traslacion 2020 dadaan sa ibang ruta

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 05:27 PM | Updated as of Jan 02 2020 07:06 PM

Ang imahen ng Itim na Nazareno sa labas ng San Sebastian Church para sa tradisyunal na "Dungaw" noong Traslacion 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

Mababago ang ruta ng Traslacion ngayong taon dahil sa pagsasaayos ng tulay na nakasanayan nitong daanan noong mga nakaraang prusisyon, ayon sa opisyal ng Quiapo Church.

Ang Traslacion ang taunang pagprusisyon sa imahen ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang sa tahanan nito na Minor Basilica of the Black Nazarene, o mas kilala bilang Quiapo Church, sa Maynila.

Nagkaroon ng pagbabago sa ruta matapos irekomenda ng Department of Public Works and Highways na hindi puwedeng daanan ng inaasahang napakalaking bulto ng mga deboto ng Itim na Nazareno ang Jones Bridge, McArthur Bridge, at Quezon Bridge.

Sa halip, sa Ayala Bridge dadaan ang prusisyong idaraos sa Enero 9, ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church.

Ayon kay Badong, dadaan ang prusisyon sa mga sumusunod na kalsada:
- Quirino Grandstand
- Katigbak Road
- P. Burgos Street
- Finance Road
- LRT Taft
- Ayala Bridge
- Palanca Street

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagdating sa may Globo de Oro Street, susundin na ng prusisyon ang orihinal nitong ruta, ayon kay Badong.

Dahil mas maigsi ang bagong ruta, inaasahang magiging mabilis din ang pagbabalik sa simbahan ng Itim na Nazareno, ayon kay Badong.

Noong nakaraang taon, inabot ng 22 oras ang Traslacion.

Maliban sa ruta, wala na umanong ibang bago sa nakasanayan sa Traslacion.

Tuloy umano ang pagdungaw ng Our Lady of Mt. Carmel at hindi rin pipigilan ang mga tao na magbuhat, maghatak at sumampa sa andas.

Ayon kay Badong, kahit hindi araw ng Traslacion ay naka-display at puwedeng puntahan sa Quiapo Church ang imahen ng Itim na Nazareno na gagamitin sa Enero 9.

Ayon naman kay Brig. Gen. Debold Sinas, direktor ng National Capital Region Police Office, malaking bagay ang mas maigsing ruta dahil kapag mas mahaba raw ay mas malaki ang tsansa na may banta sa seguridad.

Hindi rin tinutulan ng pamunuan ng Quiapo Church ang mungkahi ng pulisya na ang mga ito ang papalibot sa andas.

Dahil sa pagbabago, mainam na planuhin ang magiging galaw sa mismong araw ng Traslacion, ayon sa organizers ng taunang prusisyon.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.