Paano makokondisyon ang sarili na magtrabaho ulit matapos ang bakasyon?

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 05:26 PM | Updated as of Jan 02 2020 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagtatapos ng holiday season, marami na naman sa mga Pilipino ang balik-trabaho, pero ang iba sa kanila ay wala pang ganang bumalik sa pagbabanat ng buto.

Ayon sa psychologist na si Lillian Gui, normal lang na tamaring pumasok matapos magbakasyon para sa holidays.

"Nandiyan pa 'yong memories, nandiyan pa 'yong brain natin [na] naka-set sa vacation mode, nage-enjoy pa tayo, ayaw pa natin bumalik, pati 'yong katawan natin," ani Gui sa panayam ng ABS-CBN News.

"Kailangan talagang maintindihan natin 'yan kasi 'yong ibang tao pinipilit agad eh, na dapat 'tumayo ako agad kasi trabaho na,'" dagdag niya.

Ayon kay Gui, mahalaga na huwag sagarin ang bakasyon hanggang kadulu-duluhan at maglaan ng kaunting panahon para makahinga bago kumayod ulit.

"Hindi natin puwede biglain ito. Give yourself enough time, maka-recover sa vacation mode," ani Gui.

"For example, bukas ang trabaho mo, 'wag mo sagarin 'yong bakasyon mo na hanggang ngayong hatinggabi. Magkaroon ka ng half day or one day before ng trabaho mo para makapagpahinga ka," payo niya.

Kapag nasa trabaho, mahalaga rin anyang bigyan ang sarili ng oras para mag-adjust.

Makatutulong din daw kung gagawing inspirasyon ang katatapos lang na bakasyon.

"Don't start your day with negative thoughts kasi whether you like it or not, magiging negative din kasi paglabas ng bahay mo, traffic na," ani Gui.

"Carry with you, your memories... let this be an inspiration when you go to work," dagdag niya.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.