4 patay sa salpukan ng bus, traysikel sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 12:43 AM | Updated as of Jan 02 2020 06:46 PM

Candelaria Municipal Police

CANDELARIA, Quezon (UPDATE) — Patay ang 4 na magkakamag-anak habang sugatan ang 3 iba pa sa salpukan ng traysikel at pampasaherong bus nitong lungsod Miyerkoles ng gabi.

Sakay ang mga biktima ng traysikel na sinalpok ng bus sa parte ng Maharlika Highway, Barangay Bukal Sur bandang alas-6 ng gabi. 

Nawalan umano ng kontrol ang sinasakyang traysikel, base sa imbestigasyon ng pulisya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinilala ang mga biktima bilang si Wilson Garma, ang driver ng tricycle; asawang si Florylane; amang si Cristito; at ang 10 taong gulang na apo.

Kabilang sa 3 ginagamot sa ospital ang isang 4 na taong gulang na bata.

Galing umano sa isang reunion party ang mga biktima at pauwi na sana nang mangyari ang insidente.

Wala naman nasaktan sa mga pasahero ng bus.

Kakasuhan ng Candelaria police ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injuries ang bus driver, na kasalukuyang nakapiit sa Candelaria Police Station. — Ulat nina Merwin Javier at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.