2 patay sa naaksidenteng jeep sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2020 08:08 PM

MAYNILA — Dalawang tao ang patay matapos madisgrasya ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa Antipolo City.

Isang babae at isang lalaki ang mga nasawi, ayon kay Lt. Col Alvin Consolacion, hepe ng Antipolo police.

Nakikipag-ugnayan na raw ang mga awtoridad sa mga kaanak ng mga nasawi.

Nasa 28 pasahero naman ang nananatili sa ospital, gayundin ang driver ng jeep.

Nawalan ng preno ang jeep sa may Daang Pari Road, Barangay San Jose, ayon kay Consolacion.

Inirampa umano ng tsuper ang jeep sa bangketa saka ito tumama sa kawayan sa gilid ng daan.

Galing city proper ang jeep at papunta sanang Sitio Pantay nang mangyari ang insidente, ayon kay Consolacion.

Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide and multiple physical injuries ang driver.

-- Ulat nina Arra Perez at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.