Tangkang paghatid ng tulong sa mga na-isolate ng Usman, patuloy

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2019 04:52 PM | Updated as of Jan 02 2019 08:06 PM

Puspusan na ang operasyon ng mga awtoridad para mahatiran ng tulong ang mga lugar na na-isolate dahil sa mga pagguho ng lupang bunsod ng bagyong Usman, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga ipinagpapalagay na nasawi.

Watch more in iWant or TFC.tv

Napasok na nitong Miyerkoles ng rescue team ang Sitio Garang sa Barangay Patitinan sa Sagñay, Camarines Sur, na na-isolate matapos maharangan ng mga bato at putik ang mga daan.

Bumiyahe sa pamamagitan ng mga speed boat ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), mula Nato Port sa Sagñay hanggang sa pampang ng Tiwi, Albay.

Mula Tiwi, tinatayang nasa isa hanggang dalawang oras pang naglakad ang mga miyembro ng PCG at inakyat ang mga gumuhong bato at putik bago natunton ang Sitio Garang.

Nasa lima hanggang anim na ektarya naman ang lawak ng pinsala ng landslide sa komunidad, ayon sa ulat.

Ayon naman daw sa mga residente, isang kapilya na pinaglikasan ng walong tao ang nalibing. Nasa 12 bahay naman daw ang tinangay ng rumaragasang tubig.

Narating din ng mga taga-pamahalaang lokal ng Sagñay ang Sitio Garang, kasama ang medical team, at may dalang mga pagkain at tubig.

Pinuntahan naman ni Vice President Leni Robredo ang Sitio Igot sa Barangay Patitinan.

Bukod sa pamimigay ng tulong pinansiyal at relief packs, inalam din nina Robredo ang pangangailangan sa kabuhayan ng mga biktima ng pagguho ng lupa.

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat na barangay naman sa lalawigan ng Albay ang hindi mahatiran ng relief goods matapos maharangan ng mga gumuhong putik at lupa ang mga daan, ayon sa gobernador na si Francis Bichara.

Susubukan din ng mga awtoridad na marating ang mga barangay sa pamamagitan ng bangka, sabi ni Bichara sa DZMM.

Idinaing naman ng mga residente ng Tiwi, Albay ang epekto ng baha at pagguho sa kanilang mga kabuhayan, lalo iyong mga magsasaka na natabunan ang mga pananim.

Marami na rin ang mga nagkakaalipunga sa mga taga-Tiwi, na halos tatlong araw nang babad ang mga paa sa putik.

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat na sitio na may 1,000 residente naman ang na-isolate sa Bansud, Oriental Mindoro matapos maputol ang spillway sa Bansud River.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Camarines Norte, puspusan na ang pag-ayos ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways sa mga nasirang kalsada sa bayan ng Labo.

 BILANG NG PATAY, PATULOY NA TUMATAAS

Samantala, umakyat naman sa 85 ang bilang ng mga ipinagpapalagay na nasawi dahil sa mga pagguho at pagbahang bunsod ng bagyong Usman, sabi ngayong Miyerkoles ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Edgar Posadas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Karamihan sa mga natatanggap na ulat ukol sa mga nasawi ay mula Bicol region, ani Posadas, pero mayroon ding mula Eastern Visayas at Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan).

Nasa 40 naman daw ang sugatan at 20 tao ang nawawala sa tatlong nabanggit na rehiyon, base sa huling tala ng NDRRMC noong alas-6 ng umaga ng Miyerkoles, ani Posadas.

"Ayaw man natin but siguro posible pa itong tumaas, 'yon ang realidad, kasi nakikita nating mayroon pang mga nahahanap at 'yon ang ikinalulungkot natin," ani Posadas.

Nasa 24,000 tao naman ang nananatili sa mga evacuation center sa tatlong rehiyon, ayon kay Posadas.

Ayon naman kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, tinatayang nasa P300 milyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng Usman sa agrikultura sa Bicol at Northern Samar.

Para makarekober sa baha, sinuspende naman ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan simula Huwebes hanggang Biyernes sa Camarines Norte at Camarines Sur.

--Ulat nina Dennis Datu, Anjo Bagaoisan, Zhander Cayabyab, Jose Carretero, at Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.