Panghoholdap sa hotel, sinusuri kung inside job

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 05:56 PM | Updated as of Jan 02 2018 11:10 PM

Iniimbestigahan ng Pasay City police kung "inside job" o may kasabwat na "taga-loob" ang mga kawatang nangholdap sa isang hotel sa Pasay nitong madaling araw ng Martes.

Ayon sa pulisya, base sa nakalap nilang panayam sa mga nakakita sa mga salarin, matagal ding nagmanman ang grupo bago lumusob sa compound ng hotel at disarmahan ang nag-iisang guwardiya nito.

Dagdag pa ni Supt. Gene Licud, deputy for operations ng Pasay police, katatapos lang magronda ng mga pulis nang sumalakay ang mga kawatan.

Base sa kuha ng CCTV sa loob ng establisimyento, agad naglabas ng mga armas ang mga kawatan at pilit pinabubuksan ang vault ng hotel.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang hindi mapagtagumpayan ang vault, sunod na pinuntirya ang mga empleyado at bisita ng hotel.

Natangay ng mga kawatan ang tinatayang P4 milyong halaga ng alahas at pera mula sa mga tauhan at guests ng hotel.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nahagip din sa isa pang CCTV sa Barangay 76, Pasay City ang ginamit na sasakyan para makatakas ang mga kawatan sa direksiyon ng Roxas Boulevard.

Pinag-aaralan ngayon ng Pasay police ang iba pang CCTV footage sa lugar para makakuha ng dagdag lead sa kaso.

Bukod sa anggulong inside job, susuriin din kung ang mga customer talaga ang pakay pagnakawan o sadyang hindi lang nakuha ang unang target na vault ng hotel.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung titingnan din, gumamit ng silencer sa baril ang grupo, indikasyong maaaring organisado silang sindikato dahil hindi basta-bastang nakakakuha ng silencer, ayon kay Licud.

Inaalam na rin kung may naging pagkukulang ang natural hotel sa pagpapatupad ng seguridad lalo't isa lang ang guwardiyang naka-duty nang mangyari ang insidente. -- Ulat nina Raffy Santos at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.