Palawan na hinagupit ng 'Vinta,' naghahanda naman sa 'Agaton'

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 11:03 PM | Updated as of Jan 03 2018 06:02 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Mas pinaigting na ng lokal na pamahalaan ng Palawan ang paghahanda para sa bagyong "Agaton" matapos mag-iwan ng trahedya ang bagyong "Vinta" sa lalawigan.

Base sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) alas-8 ng gabi nitong Martes, bumilis pa ang bagyong "Agaton" na patuloy na kumikilos patungong Palawan.

Binabantayan ang nagbabadyang pag-landfall sa Palawan ngayon ding gabi ng Martes.

Isa si Mang Pascual Arrio sa mga mangingisdang na-trap sa Mangsee nang humagupit ang bagyong Vinta sa Balabac, Palawan.

Magde-deliver lang sana siya ng isda nang abutan nang malalakas na alon.

Mabuti na lang at naitabi niya ang bangka sa Lobocan island na bahagi ng Mangsee.

Kuwento niya, nagkadurog-durog ang kanilang mga bangka dahil sa lakas ng alon.

Dalawang araw siyang stranded at nang kumalma na ang panahon ay nanghiram siya ng bangka para makarating sa Balabac.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Doon na siya nagpatulong para makabalik sa Puerto Princesa.

Sabi ng lokal na pamahalaan, alam naman ng mga taga-Mangsee na paparating ang bagyong Vinta.

Pero dahil sa layo ng isla, pahirapan ang komunikasyon lalo na't signal na ng mga telecom sa Malaysia ang kanilang nasasagap.

Ayon sa City Information Officer na si Atty. Gil Acosta, hindi inasahan ng mga taga-Mangsee ang lakas ng bagyo lalo't 1972 pa huling nagkaroon ng malakas na bagyo sa lugar.

Karamihan ng mga mangingisda ay sa lantsa na rin natutulog kaya marami ang namatay sa pananalasa ng bagyong Vinta.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), 60 pa ang nawawala na karamihan ay mga mangingisda.

Umabot na rin sa 37 ang namatay at isa ang naitalang nasugatan dahil sa bagyong Vinta.

Nasa mahigit 600 bahay naman ang nasira.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na mas handa na sila ngayon sa pagdating ng bagyong Agaton. 

Ang mga bangka sa isang coastal community ay hindi na muna pinayagang maglayag.

Ayon sa mangingisdang si Salvador Aton, nagtabi na sila ng pagkain at hihintayin na lang na kumalma ang panahon bago pumalaot.

Ang Provincial Social Welfare and Development Office, naghanda na ng mga food pack at hygiene kits sa mga bayan ng Taytay, Dumaran, Roxas, Bataraza at El Nido.

Pero may mga ayaw pa ring lumikas.

Ayon sa residenteng si Eva Franco, lilikas na lang sila kapag malakas na ang bagyo.

Pinagbawalan na rin muna ng coast guard na maglayag ang anumang sasakyang pandagat.

Limang beses nang nag-landfall ang bagyong Agaton sa Socorro at Claver, Surigao del Norte; Jagna, Bohol; Santander, Cebu; at Bais City, Negros Oriental nito rin lang Martes.

Magdadala ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang bagyo.

Nakataas na ang storm warning signal no. 1 sa Palawan kabilang na ang Cuyo Island.

Huling namataan ang bagyo 105 kilometro timog-silangan ng Puerto Princesa City at kumikilos ng pa-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras (kilometers per hour/kph), may lakas na 55 kph, at may bugsong aabot sa 65 kph.

ULAN SA IBA PANG PROBINSIYA

Nagbabala rin ang PAGASA na uulanin ang Bicol Region, Samar provinces, Southern Quezon, Panay Island at iba pang probinsiya sa MIMAROPA dahil sa bagyong Agaton.

Sa Cebu, dalawa na ang naitalang patay sa hagupit ng bagyo, ayon sa PDRRMC.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa Sigma, Capiz, nagbabangka na ang ilang residente para matawid ang matinding baha sa ilang liblib na barangay.

Sa video ni Bayan Patroller Ryndel John Biclar, kita ang baha sa kaniyang bahay sa barangay Talasa, Pan-Ay, Capiz.

Sa Tacloban City, binaha ang ilang bahagi ng lungsod dahil sa magdamag na ulan. 

Ang Palo, Leyte, hindi pa man lubos na nakababawi sa pinsala ng bagyong "Urduja," muli na namang binaha.

Nasira ang mga palayan at ilang bahay.

Nakuhanan naman ni Bayan Patroller Joseph Suyo ang malakas na buhos ng ulan sa Barangay San Pablo sa Taft, Eastern Samar.

Muli ring binaha ang Biliran na binayo ng Urduja at Vinta kamakailan lang.

Pinasok ng tubig ang ilang silid-aralan sa Tucdao National High School.

Sa mga kuha ni Bayan Patroller Christiane Butal, kita ang baha sa Calinginan Sur sa Sevilla, Bohol.

Ibinahagi rin ni Bayan Patroller Guada Toledo ang baha sa Valladolid, Loboc, Bohol.

Isa sa dinaanan ng bagyo ang Surigao City kung saan umulan nang malakas nitong madaling araw ng Martes.

Sa Iligan City na binayo rin kamakailan ng Vinta, agad lumikas ang mga residente, matapos binaha ang 14 na barangay bunsod ng bagyong Agaton. 

Hindi rin madaanan ng mga sasakyan ang C3 road sa Tubod, Lanao del Norte dahil sa landslide.

Inaasahang lalabas ng PAR ang bagyong Agaton sa hapon ng Miyerkoles, Enero 3.

-- Ulat nina Jervis Manahan, Cherry Palma, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.