Konsehal ng Montevista sa Compostela Valley, patay sa pamamaril

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 06:09 PM

Patay sa pamamaril ang isang konsehal sa bayan ng Montevista sa Compostela Valley noong nakaraang linggo.

Pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin si Konsehal Jobert Matugas, 31 taong gulang, sa kanilang bahay sa Barangay Poblacion, Montevista noong Disyembre 27 ng gabi.

Ayon kay SPO1 Roel Neri ng Montevista Police, paalis ng bahay ang biktima dahil may dadaluhan na aktibidad sa plaza. Nilapitan ito ng gunman at pinagbabaril habang nagsasarado ng gate ng kanilang bahay. 

"Sa atong nadawat nga info,nakigconverse pa daw ang gunman asking for direction nagtudlo pod daw ang biktima,didto na nibunot og baril ang suspek ug gipusil sya," ani Neri.

(Sa natanggap natin na info, nakigconverse pa ang gunman asking for direction, tinuro naman rin ng biktima, dito na bumunot ng baril ang suspek at binaril siya.)

Nanawagan naman ng hustisya ang kanyang asawa na si Rosalie.
Aniya, nalilito siya sa motibo sa krimen dahil walang kaaway, mabait at masipag pa sa kanyang trabaho ang kanyang asawa.

"Hustisya, makuan nako kinsa nagpasugo ato, unsay rason nga gipapatay, wala may kaaway, kay kung naa death threat di pod na sya mokumpyansa mukuha nag bodyguard," aniya.

(Hustiya, malaman ko kung sino ang nag-utos nito, anong dahilan bakit pinatay, wala siyang kaaway, kung may death threat, 'di naman kokompyansa at kukuha ng bodyguard.)

May person of interest na ang Montevista Police sa pagpatay kay Matugas.

Si Matugas ay chairman ng peace and order committee sa bayan ng Montevista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.