Kasiyahan ng magkumpare sa Baguio, nauwi sa patayan

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 07:16 PM

Pinagsasaksak umano ni Fulo Martin (nasa larawan) ang kaibigang si Buen Dimasuay. Melinda Ramo, ABS-CBN News

BAGUIO CITY- Nauwi sa pikunan na ikinamatay ng isang lalaki ang kasiyahan ng magkumpare dito nito lamang bisperas ng Bagong Taon.

Nagsasayawan at nag-iinuman ang construction worker na si Buen Dimasuay at ang kaibigan nitong security guard na si Fulo Martin sa Irisan, Baguio City nang bigla na lamang magkapikunan umano ang dalawa.

Ayon sa isang saksi na tumangging mapangalanan, bandang alas-9 ng gabi nang magdesisyon ang magkumpare na umuwi na ngunit bigla na lamang sinugod ni Dimasuay si Martin sa kaniyang outpost at pinagsasapak ito. 

Naglabas naman ng balisong si Martin at pinagsasaksak ang kaibigan.

Itinakbo pa si Dimasuay sa ospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Si Martin naman ay nakatakas ngunit naiwan nito ang kaniyang cellphone sa kaniyang outpost.

Nanawagan naman ang mga awtoridad kay Martin na sumuko na lamang.

Sakaling mahuli, mahaharap si Martin sa kasong homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.