Hotel sa Pasay pinasok ng armadong grupo; P1.5 milyon nakulimbat

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 09:16 AM

MANILA - Nalimas ng armadong grupo ang nasa P1.5 milyon na halaga ng mga kagamitan at cash mula sa mga guest ng isang hotel sa Pasay, Martes. 

Hindi napigilan ng nag-iisang guwardyang naka-duty ang pagpasok ng 4 na kawatan sa Mabuhay Manor sa FB Harrison, ayon sa night auditor ng hotel na si Rudy De Guzman. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kuha ng CCTV, makikitang hawak ng mga kawatan ang matataas na kalibre ng baril. Tatlo sa kanila ay nakasuot ng surgical mask. 

Kita rin sa isang pang CCTV footage na kinaladkad ng isang suspek si De Guzman upang ituro ang vault ng hotel at hinampas pa sa pader ang kaniyang ulo. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dinala ng kawatan ang hotel auditor sa counter at pinadapa. Dito na naitapon ni De Guzman sa ilalim ng mesa ang combination key ng vault.

Gayunman, nakuha ng mga suspek mula sa front desk ang P53,000 na petty cash.

Natangay naman mula sa guest na si Dominador Castro ang mga alahas at relos na nagkakahalaga ng P1.5 milyon. 

Nakuha rin ang nasa P50,000 na halaga ng pera at kagamitan mula sa isa pang guest na si Josie Castro Tadoy. 

Tinutugis na ng mga awtoridad ang mga suspek. Ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.