Drayber ng niratrat na sasakyan sa Mandaluyong: 'Baldado na ako'

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tandang-tanda pa ni Danilo Santiago ang mga pangyayari nang pinaputukan sila ng kaniyang mga kasamahan ng mga tanod at pulis sa Barangay Addition Hills.

Si Santiago ang drayber ng sasakyang maghahatid sana kay Jonalyn Amba-an, na nabaril noong gabi ng Disyembre 28, Huwebes.

Nilinlang ng mga tunay na suspek ang mga awtoridad kaya hinabol at niratrat ang sasakyan nina Santiago. 

Problema ni Santiago kung paano bubuhayin ang dalawang anak ngayong hindi na niya magamit ang kaliwang kamay at kanang braso.

"Di na po ako puwedeng magtrabaho, durog na 'yong isang kamay ko eh," ani Santiago. "Paralyzed na, 'di na magagamit. Baldado na ako totally."

"Wala na pong tatanggap sa akin [sa trabaho], paano ko mabubuhay pamilya ko?" dagdag ni Santiago.

Natutulog daw noon si Santiago pero ginising siya para tulungang isugod sa ospital si Amba-an gamit ang sasakyan niya.

Itinanggi rin ni Santiago na may dala silang baril.

"Kung may baril kami, lumaban na kami kung ganoon na sitwasyon namin," aniya.

Masama rin ang loob ng pamilya ng nasawing si Amba-an lalo pa't sinabing positibo siya sa parafin test, na ibig sabihi'y humawak ito ng baril.

"Wala silang hawak na baril, lahat ng gusto nilang baliktarin, baliktarin nila," ani Eliseo Aluad, live-in partner ni Amba-an.

Doble sakit ng insidente para kay Aluad dahil plano sana nilang magpakasal ni Amba-an ngayong taon.

Parafin test, di dapat pagdudahan

Nilinaw naman ng Philippine National Police (PNP) na hindi nangangahulugang nagpaputok ng baril ang isang taong nakitaan ng powder burns.

Wala rin umanong dapat pagdudahan sa resulta ng parafin test.

"Positive lang siya sa powder burn pero hindi siya positive talaga na hundred percent nagpaputok siya ng baril," ani PNP chief Director-General Ronald Dela Rosa.

"Kung iniisip nila na nilagyan ng powder 'yong kamay ng biktima para palabasin na positive, never in my wildest imagination na gagawin 'yan ng taga-SOCO," dagdag ni Dela Rosa.

Dinepensahan din ni Dela Rosa ang mga pulis-Mandaluyong na sangkot sa pamamaril.

Aniya, ginawa lang ng mga pulis ang kanilang trabaho subalit pumalpak lang dahil sa maling impormasyong natanggap.

"Kahit na pumalpak 'yung mga pulis ko sa Mandaluyong, maipagmamayabang ko pa din na nangyare 'yun because of the performance of their duties," ani Dela Rosa.

"Nangyare 'yon dahil pumunta sila, rumisponde sila. 'Yon nga lang nagoyo sila sa mali na report at pagdating doon, putukan na," dagdag pa ng pinuno ng PNP.

Inalis sa puwesto ang hepe ng Mandaluyong police at ang 10 pulis na sangkot sa barilan.

Haharap din sa kasong homicide, frustrated homicide, at kasong administratibo ang 10 pulis.

Nakadetene na rin ang isa sa mga barangay tanod na umano'y nagpaputok ng baril habang pinaghahanap pa ang isa niyang kasama.

Humingi naman ng pang-unawa ang Barangay Addition Hills dahil bagaman bawal, posibleng napilitan ang ilang tanod na magdala ng baril.

-- Ulat nina Jasmin Romero at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.