Construction worker, nalunod sa beach sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 12:30 PM

Umabot sa 50,000 katao ang dumagsa sa San Fabian beach nitong Lunes, unang araw ng 2018. Joanna Tacason, ABS-CBN News

SAN FABIAN, Pangasinan - Nalunod ang isang construction worker habang 4 na kabataan naman ang muntik na ring malunod sa isang beach sa bayang ito.

Sa video na kuha ni Bayan Patroller Rodney Ligot, sinusubukan pang isalba ng rescuers si Romnick Gonzales na nalunod sa San Fabian Beach nitong Lunes.

Ilang ulit itong nilapatan ng CPR ngunit hindi na naisalba ang 21-anyos na construction worker na taga-Mangaldan, Pangasinan.

Sa imbestigasyon, nagkakasayahan umano sila ng buong kaanak sa San Fabian beach nang maisipang maligo ng biktima at napadpad umano ito sa malalim na parte ng dagat.

"Aminado iyong mga relatives na nakainom iyong victim, at sa dami ng tao kahapon hindi na napansin na nalulunod na ito," ani Insp. Denny Torres.

Umabot sa 50,000 katao ang dumagsa sa San Fabian beach nitong Lunes, unang araw ng 2018.

Bukod kay Gonzales, nakapagtala rin ng 4 na kaso ng near drowning sa beach kaya patuloy ang pagbabantay ng ginagawa ng mga awtoridad lalo't karamihan ay sinasamantala pa ang bakasyon.

Anila, delikado ang laki at taas ng alon sa dagat at ang rip current o tinatawag na sabang.

"Nakabantay talaga kami, delikado kasi iyong dagat. Sa dami ng tao talaga hindi maiwasang may magpasaway," sabi ni Judith De Guzman, rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council.

Ayon sa pulisya ng San Fabian, 9 na kaso ng pagkalunod ang naitala sa beach noong 2017 at karamihan sa mga biktima ay nakainom ng alak.