ALAMIN: Mga sintomas ng lupus, bakit ito mahirap matukoy

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 05:47 PM | Updated as of Jan 02 2018 06:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa si Diwa party-list Rep. Emmeline Aglipay-Villar sa mga nakararanas ng lupus, isang uri ng sakit kung saan inaatake ng immune system ang mga malulusog na cells at tissue.

Dalawampu't limang taong gulang siya nang pormal na ma-diagnose ng lupus, pero bago nito'y marami na siyang nararamdaman sa katawan.

"Parati ako nilalagnat, nalagas hair ko, dumating sa punto na nag-full wig na ako kasi halos wala na akong buhok," kuwento ni Aglipay-Villar sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Maging ang mga kasukasuan niya'y hindi maigalaw at umabot sa puntong hirap itong kumilos mag-isa.

"Hindi ko na magalaw ang kamay ko kahit magbukas ng mga doorknob or mag-type kaya di na rin ako maka-work," aniya.

Hindi madaling matukoy kung ang isang tao ay may lupus dahil maaaring maihalintulad ang mga sintomas nito sa ibang karamdaman.

"Karamihan sa mga taong may lupus ay hindi mo naman mahahalata na may lupus sila dahil internal lahat ng nangyayari patungkol sa sakit namin," ani Aglipay-Villar.

Ayon kay Dr. Geraldine Zamora-Racaza, eksperto sa internal medicine, matagal na panahon ang inaabot bago makompirmang may lupus ang isang tao dahil sa dami ng pagsusuring kailangan ipagawa.

"It’s not easy to diagnose that’s why we encourage people to be aware of what lupus is," sabi ng doktora sa DZMM.

Sa katunayan, sa kaso ni Aglipay-Villar, inabot siya ng anim na taon bago tuluyang ma-diagnose.

Pero ngayon ay napapangalagaan na nito ang kondisyon dahil sa mga gamot.

Sanhi, paggamit

Ayon kay Zamora-Racaza, "multi-factorial" o walang isang dahilan kung paano nagkakaroon ng lupus ang isang tao. Isa aniya sa mga karaniwan dito ay genetics o namamana.

"Kung ang nanay mo may lupus, may mas malaking chance na magka-lupus ka," ani Zamora-Racasza. "Pero 'di siya automatic na 'pag meron si nanay, meron ka na rin."

Bukod sa genetics, posibleng makuha rin ang lupus dahil sa stress at mga salik sa kapaligiran.

Bagaman walang tiyak na sintomas, may ilang pangitain ang mga doktor upang paghinalaan na may lupus ang isang tao at abisuhan silang sumailalim sa mga pagsusuri.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng pantal sa pisngi, pananakit ng mga kasukasuan, at mabilis mapagod.

"Even if they rest, hindi siya parang nawawala, iyong fatigue ... 'yong iba hirap talaga, nagkakaroon ng seizures," ani Zamora-Racaza.

Dagdag pa ng doktora, hindi umano nakahahawa ang lupus kaya walang dapat ipangamba ang mga taong nakapaligid sa kaniya.

Nireresetahan ng mga doktor ang mga taong may lupus ng mga immuno-suppressants o gamot na nagpapahina sa immune system.

"We give them something to dampen the immune system a bit because sobra na niyang nilalabanan iyong kidneys, heart, lungs," paliwanag ni Zamora-Racaza.

'May nakakausap'

Para kay Aglipay-Villar, mahalaga sa mga taong may lupus na makaramdam ng suporta mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya.

Isa si Aglipay-Villar sa mga nagtatag ng Hope For Lupus Foundation, isang support group para sa mga taong may lupus.

"Iba kasi ‘yong may nakakausap ka na alam iyong pinagdadaanan mo eh, na alam iyong nararanasan mo," aniya.

Dumanas din ng matinding kalungkutan si Aglipay-Villar noong mga panahong hindi na ito makakilos para sa sarili.

"What really bothered me was the loss of mobility because there was a time when the joints in my knees and ankles, it was really painful, I couldn’t really move. Pinapaliguan ako, pinapakain," ani Aglipay-Villar.

Sa kabila ng mga napagdaanan, hinikayat ni Aglipay-Villar ang mga taong may lupus na huwag mawalan ng pag-asa.

"Dati 'di ako malakad, di ako makakain mag-isa, sinabihan ako dati na imposibleng magkaanak [ako] pero ngayon may two-year old baby girl na ako," mensahe ni Aglipay-Villar. "Walang imposible."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.