2 patay sa hagupit ni 'Agaton' sa Cebu

Angelica Fay Saniel, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 10:36 AM

CEBU - Patay ang dalawang residente sa bayan ng Malabuyoc sa kasagsagan ng paghagupit ng Bagyong Agaton nitong Martes ng umaga.

Kinilala ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management ang dalawa na si Flora Basadre, 64; at si Richie Pimentel, 39.

Ayon sa ulat, natabunan ng gumuhong lupa si Basadre kasama ng kanyang bahay sa Barangay Looc bandang alas-5:30 ng madaling araw. Inaalam na ng mga awtoridad kung may iba pang nasaktan sa landslide.

Patay naman si Pimentel nang tumalon mula sa ikalawang palapag ng kanyang bahay sa Barangay Santo Niño. Brownout umano nang magising ito at napatalon sa takot nang marinig ang lakas ng hangin at ulan sa labas. 

Naisugod pa sa Malabuyoc District Hospital si Pimentel pero idineklara ring dead on arrival bandang alas-8:45 ng umaga.