Ex-Manila Mayor Mel Lopez, pumanaw na

Ron Lopez, DZMM

Posted at Jan 02 2017 10:58 AM | Updated as of Jan 02 2017 12:23 PM

Pumanaw na sa edad na 81 si dating Manila Mayor Mel Lopez.

Ito ang kinumpirma ng kanyang anak na si Manny Lopez na kasalukuyang kinatawan ng unang distrito ng Maynila.

Ayon sa kongresista, namatay ang kanyang ama alas-6:18 Linggo ng gabi matapos ma-cardiac arrest sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City kung saan siya naka-confine mula pa noong Disyembre 22.

Ibuburol ang labi ng dating alkalde sa Heritage Park sa Taguig hanggang ilipat ito Huwebes ng gabi sa Sto. Niño Binondo Church sa Maynila.

Sa Biyernes, idadaan ang kanyang labi sa Manila City Hall bago ibalik sa Heritage Park para sa kanyang libing sa Sabado.

Nagsilbing alkalde ng Maynila si Lopez mula 1986 hanggang 1992.