Pagsalubong sa 2022 sa BGC, Taguig City. George Calvelo, ABS-CBN News
MAYNILA — Sa unang araw ng 2022 ngayong Sabado, iniulat ng Department of Health (DOH) ang karagdagang 3,617 bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kasabay ng banta ng bagong variant na omicron na sinasabing mas madaling maipasa.
Dahil dito, umabot na sa 2,847,486 ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa mula ng tumama ang pandemya.
Sa kabuuang bilang, 17,374 ang aktibong kaso, ang pinakamataas mula Nobyembre 26, 2021.
Samantala, mayroon namang naitalang 468 na gumaling at 43 na pumanaw.
Nauna nang sinabi ng mga eksperto na ang paggalaw ng mga tao nitong holiday season ang isa sa mga dahilan ng paglobo ng COVID-19 cases.
Noong Biyernes, sinabi ng DOH na 10 kaso ng omicron variant ang kanilang na-detect, 7 dito ay imported o mula sa mga galing sa ibang bansa.
Nakatakdang isailalim sa alert level 3 ang Metro Manila simula sa Lunes, Enero 3, na tatagal hanggang Enero 15.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.