PatrolPH

'Pandemic New Year' sa Pilipinas: Virtual countdown, fireworks display

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2021 03:09 PM | Updated as of Jan 01 2021 11:02 PM

'Pandemic New Year' sa Pilipinas: Virtual countdown, fireworks display 1
Virtual isinagawa ang kilalang countdown sa isang mall sa Quezon City dahil sa pandemya. ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Hindi napigilan ng pandemya ang mga Pilipino sa kanilang mga diskarte para salubungin ang Bagong Taon ngayong 2021.

Dahil bawal ang mga mass gathering gaya ng mga countdown para umiwas sa banta ng coronavirus disease (COVID-19), dinala ng ilan sa online ang pagdiriwang ng Bagong Taon at virtual na sinalubong ang pagpasok ng 2021.

Watch more on iWantTFC

Ang countdown sa Quezon City Memorial Circle, online muna ngayong taon.

Naka-live stream sa social media ang inabangang countdown at fireworks display.

Ganito rin ang ginawa sa mall sa Barangay Bagong Bayan, kung saan tinuloy ang taunang countdown.

Hindi nawala ang taunang star drop at pagpapalit ng numero mula 2020 papuntang 2021.

Hindi rin pinayagan ang aktuwal na panonood sa open park pero naka-live stream ito sa Facebook page ng mall.

Ang mga miyembro ng isang LGBT council sa barangay sa Quezon City, piniling gawing virtual ang pagdaos ng Bagong Taon kung dati’y nagpa-potluck lang ang kanilang pamilya.

"Manonood na lang kami ng mga virtual display ng fireworks, gano'n na lang para maging masaya naman ang pagsalubong sa bagong taon," ayon sa residenteng si Marky Sison.

Kakaunti rin ang mga nagpunta sa Luneta Park sa Maynila sa unang umaga ng 2021, dahil na rin sa pagbabawal sa mga batang pumasok sa parke.

May ilan namang nagsimba para salubungin ang Bagong Taon.

Dasal ng nananampalataya na si Clod Agot na matapos na ang pandemya.

"Mahirap na kasing pagala-gala ngayon... Kami na lang ng asawa ko magsisimba. Ipagdasal natin na matapos na ang pandemya na ito,” ani Agot, na nagsimba sa Quezon City.

Watch more on iWantTFC

Ganito rin ang mga hiling ng mga nagsimba sa Manila Cathedral.

"Nakakalungkot kasi na dahil sa pandemic nagkakaganito. Sana sa susunod na taon wala na,” ani Marife Patagan na isa sa mga nagsimba.

Ang Maynila, nagbukas ng isang drone show bilang alternatibo sa ipinagbabawal na paputok.

Bumuo ng iba’t ibang hugis at kulay ang mga drone kabilang na ang mensaheng "Happy New Year."

Lumiwanag din ang Jones Bridge sa Maynila nang pailawan ang fireworks na ikinabit sa paligid ng tulay.

Tumagal nang 5 minuto ang makulay at nakaka-engganyong pailaw, na hindi inanunsiyo ng lokal na pamahalaan para maiwasan ang kumpulan.

— May ulat nina Wheng Hidalgo, Jervis Manahan, Anjo Bagaoisan, at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.