Salubong 2020 sa Pilipinas: Engrandeng fireworks display, concerts

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 03:06 PM | Updated as of Jan 01 2020 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naging engrande ang pagsalubong ng mga Pinoy sa taong 2020 sa iba't ibang panig ng bansa, tampok ang mga makulay na fireworks display at libreng concerts.

Pagpatak ng hatinggabi, nagliwanag ang langit sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City dahil sa mga paputok na sinabayan ng musika at mga pampaingay.

Ito ang unang beses na nagsagawa ng synchornized music and fireworks show sa Quezon City.

Umabot naman sa higit 14,000 ang bilang ng mga sumalubong ng Bagong Taon sa Rizal Park sa Maynila, kung saan may libreng concert at fountain show.

Hataw naman sa pag-perform ang Kapamilya stars sa "2020 Rising," ang New Year countdown ng ABS-CBN sa Bonifacio Global City, Taguig, na pinangunahan nina Robi Domingo at beauty queen Nicole Cordoves.

Kabilang sa mga nagbigay-aliw sa countdown sina Bamboo, Yeng Constantino, Billy Crawford, Jona, bandang Itchyworms, at comedian na si Alex Calleja.

Pero hindi lang sa mga pampublikong lugar nagsama-sama ang mga Pinoy para masayang salubungin ang 2020 kundi pati sa kani-kanilang mga komunidad.

Sa Tondo, Maynila, nagkaroon ng mistulang buffet na handaan at nag-ingay ang mga residente kahit hindi paputok ang gamit.

Nakisayaw rin ang mga bata sa kantang "Tala" ni Sarah Geronimo.

Nag-bonfire naman ang ilang taga-Baguio City habang hinihintay ang countdown.

Fireworks display din ang naging highlight ng gabi sa lungsod.

Sa Pampanga, idinaan sa videoke at sayawan ang pagsalubong ng New Year.

May mga nag-ballroom dancing at nag-"Budots."

Sa bayan ng Santa Ana, sa halip na magpaputok, nagdaos ang mga residente ng prusisyon ng mga santo.

Sa Naga City, hindi napigilan ng ulan ang pagdiriwang ng Bagong Taon. Matapos ang isang misa, nagkaroon ng street party at fireworks display.

—May ulat nina Jervis Manahan, Gracie Rutao, Fred Cipres, Isay Reyes, at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.