PatrolPH

LGUs hinimok na parusahan ang mga di nagsasagawa ng waste sorting

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 03:59 PM | Updated as of Jan 01 2020 07:06 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Ilang milyong plastik ng basura na ang naiipon ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City, na bahagi ng proyekto nilang "Baon sa Eskwela, Palit ang Basura."

Sa ilalim ng programa, bawat bulto ng plastik na maiipon ng mga residente ay papalitan ng barangay ng pagkain o tiket sa raffle.

Ang mga nakokolektang recyclable material ay balak gawing semento at upuan ng barangay.

Dahil kasisimula pa lang, ilang residente pa rin ang hindi naghihiwa-hiwalay ng kanilang mga basura sa nabubulok at hindi nabubulok.

"'Yong problema namin, sa laki ng population namin dito sa barangay, sa dami ng tao, 'yong basura halos 'di kinakaya rin ng city, 'di kayang hakutin. 'Yong iba tinatapon lang kung saan-saan," ani JR Elbora, kagawad sa Barangay Addition Hills.

Kaya isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magpatupad ang bawat lungsod o bayan ng ordinansang magpapataw ng P1,000 multa sa mga residenteng hindi magsasagawa ng tamang waste sorting o paghihiwa-hiwalay ng mga basura.

Kung hindi kayang bayaran ang P1,000, puwede ring dumaan sa community service ang sino mang lalabag, ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda.

Hindi naman daw ang pera ang habol sa pagpapatupad ng mga ordinansa kundi disiplina sa tamang pag-aayos sa mga basura.

Ang rekomendasyon ng DENR ay bukod pa sa P1,000 multa na nakasaad sa Ecological Solid Waste Management. 

Sakaling masunod ang panukala ng DENR, maaaring P2,000 ang maging multa sa isang residenteng hindi magsasagawa ng waste sorting.

Higit 200 sanitary landfill ang binabalak itayo ng DENR sa buong bansa pero dahil sa lumalaking populasyon ng mga siyudad, hindi raw ito sapat.

Dapat ngayon pa lang umano ay matuto na ang publiko na sa bahay pa lang ay magsagawa na ng waste sorting.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.